<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar.g?targetBlogID\x3d9133849170282782900\x26blogName\x3dTAJO\x27s+TAHO\x26publishMode\x3dPUBLISH_MODE_BLOGSPOT\x26navbarType\x3dBLACK\x26layoutType\x3dCLASSIC\x26searchRoot\x3dhttps://magtatajo.blogspot.com/search\x26blogLocale\x3dtl\x26v\x3d2\x26homepageUrl\x3dhttp://magtatajo.blogspot.com/\x26vt\x3d5632157464213475829', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe" }); } }); </script>

TAJO's TAHO

Hamak na Alikabok
Martes, Pebrero 24, 2009



"Ayaw sa akin ng marami,
ako'y pinandidirihan at kinasusuklaman ng lahat,
kung saan-saan ako napapadpad,
itinataboy at pilit na binubura ng lipunang
mula sa akin ay ginawa."
-ang hamak na alikabok


Maraming tao ang mapagmataas, at inaamin ko na ako'y isa sa kanila. Mahirap ang lumuhod at magpakababa sa harapan ng isang tao, lalo na't ang taong ito ay pinaniniwalaan nating kinahihigitan natin. Sino ba namang tao ang yuyuko o magpapatikluhod sa isang gusgusin.

Ang ilan sa atin ay pilit ibinababa ang iba, o 'di kaya'y gumagawa ng bagong klasipikasyon o samahan upang maibukod ang sarili at maging masmataas sa iba. Tulad na lang ng klasipikasyon ng estado o katayuan sa buhay ng isang tao. Dati-rati, ang lipunan ay nahahati sa dalawang antas--ang panginoon at ang alipin. Ngunit sa pagnanais ng ilang panginoon na maging mashigit sa ibang panginoon, ginawa nila ang antas ng mahaharlika. Gayundin naman, ang ilang mga alipin ay nagnanais na mapaangat ang kanilang antas, kung kaya't ginawa nila ang antas ng aliping namamahay at aliping sa gigilid.

Hindi natatapos ang kagustuhan ng taong maiangat ang sarili sa ibang tao. Ang ilan nga ay hindi lamang tao ang nais higitan. Ngunit hindi tungkol sa mga taong ito ang tunay na paksa ng akdang ito. Ito ay tungkol sa alikabok na ipinapahid sa noo sa araw ng pagpapahid ito.

ASH WEDNESDAY
Ang tao, ay sinasabing nagmula sa alikabok at sa alikabok din magbabalik. Ito ay inaayawan ng mga tao dahil sa ito ay madumi. Bilang tanda ng pagpapakumbaba, kahit pa ang mga myayaman, mga sikat na tao, at mga pinuno ng bayan at bansa ay naglalagay nito.

Ang alikabok ay paalaala na ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa paningin ng DIYOS. Walang klasipikasyon ng antas o uring kinabibilangan ang kahit sinuman para sa Kanya. Walang makapagsasabing siya ay malinis, pagkat ang lahat ay madumi at makasalanan. Ito rin ay nagpapahiwatig ng pagtanggap na tayo ay gabutil lamang kung ikukumpara sa AMA.

Bakit ito ay ikinakalandakan sa harap ng maraming tao at hindi sarilinin na lamang? Hindi ba ito tanda ng pagiging mapagpaimbabaw dahil ginagawa ito lantad sa madla?
Hindi. Dahil bukod sa ito'y pagpapaalala, ito rin ay nagsisilbing pag-amin na ikaw din ay makasalanan. Ito ay bahagi ng pagpapakumbaba at pagsasakripisyo para sa paghingi ng kapatawaran sa PANGINOON. Walang sinuman ang magiging mapagmataas sa pag-akong siya ay madumi at makasalanan.

Maaaring sa iba, ang kahulugan nito ay ang pagsasabing, "Tingnan ninyo, ako ay isang banal at nagsasakripisyo para sa lahat." Kung ganito, ito ay mali. Ang pagpapakita sa mga tao ng mga ginagawa sa intensyong magmalaki na siya ay banal ay hindi naaayon sa tunay na intensyon ng gawaing ito. Ang paglalagay ng alikabok ay nangangahulan ng pagsasabing, "Tingnan ninyo ako, ako ay makasalanan." Ito ay ang pag-aminin na, "Huwag mo akong purihin pagkat ako ma'y madumi rin."

Ang alikabok, ay nagpapaalala ring ang materyal nating katawan ay mabubulok, kung kaya't mas dapat nating pagtuunan ng pagpapahalaga ay ang ating kaluluwa. Maspahalagahan natin ang ating palasyo sa kaharian ng DIYOS at hindi ang palasyo sa materyal na daigdig na ito.
"Sapagkat tayo ay dumadaan lang sa daigdig na ito,
at ang tunay nating mundo ay hindi ang daigdig na ito."

ANG PAG-AAYUNO
Marami sa atin ang nag-aayuno. Naniniwala tayong ang gutom na nararamdaman natin sa pag-aayuno ay pagpapakasakit upang tayo ay mapatawad sa ating mga kasalanan. At halos lahat sa atin ay dito na tinatpos ang sakripisyong ito. Sakripisyo bang maituturing ang isang bagay kung ang kabutihang dulot nito ay sa iyong sarili din?

Ang sakriisyo ang ang pag-aalay ng sariling kaligayahan para sa iba. Kung ikaw ay kumain lamang ng isang buong kain lamang sa isang araw, ikaw ay makakatipid. Sa tunay na intensyon nito, ang pagtitipid mong iyon ay inilalaan mo dapat sa mga taong nagugutom at mahihirap at hindi para sa sarili. Ito ang tunay na sakripisyo. Ang pag-aayunong ito ang magtuturo sa iyo na pahalagahan ang mga biyayang iyong natatanggap at ito ay ipamahagi sa iba.

BAWAL NA KARNE
Ang karne sa panahon ng lumang tipan ay tumutukoy sa literal na karne ng hayop at tawag ng laman. Ang karne sa panahong iyon ay mahal at kinahuhumalingan ng marmi. Ito ay simbulo rin ng kasaganahan. Ang karne na ipinagbabawal ng simbahan ay hindi lamang tumutukoy sa karne ng mga hayop at tawag ng laman, sa malawak na kahulagan, ang karne ay tumutukoy sa mga bagay na itinuturing nating sarap o ligaya.

Ang Cake, Coke, at Chocolate, bagamat hindi gawa sa karne ng hayop ay maituturing pa rin karne para sa iba. Karaniwang ang bawal na karne na tinutukoy ay ang mga bagay na mahal, o mga pagkain o gawaing maaaring ituring na luxury, o hindi kinakailangan. Kasama rin dito ang panunuod ng pilikula, paggamit ng airconditioner, panunuod ng tv, o paggagala sa mall.

Ang tunay na intensyon nito at ang matuto tayong tumanggi sa mga bagay na alam nating masarap ngunit hindi naman kailangan at lalo na kung hindi ito makabubuti sa atin. At tulad din sa pag-aayuno, ang natipid nating karne, sana ay matutunan nating maibahagi sa iba.

"Ang mga mapagpaimbabaw ay tumanggap na sa tagpong iyon ng kanilang gantipala, ngunit ang mga taong may sinseridad sa kanyang ginagawa ay tiyak na makatatanggap ng gantimpala mula sa AMA."

posted by Tajo @ 9:27 AM,




0 Comments:

Mag-post ng isang Komento

<< Home